Inc.

Sanaysay

Hindi ko na tatapusin ang sanaysay na ito dahil pagod na ‘ko. Sa ngayon gusto ko nalang siguro matulog ng matagaaaaal na matagaaaaal. May mga punto kaya na nakakapagod din mabuhay, pero siguro nga dala na rin ‘to ng kalungkutan na napakapamilyar sa aking puso. Nakakapagtaka nga at ‘di pa ito nasanay sa sakit na nararamdaman.

Gusto ko nang magpahinga. Hindi ko na bibilangin kung ilang oras pa ang itatagal ng aking magiging pagtulog dahil wala na akong masyadong pakialam sa mangyayari bukas. Ayokong isipin kasi pagod na ‘ko mag-isip. Wala muna na ‘kong planong makipagsalamuha sa ibang tao dahil masyado silang masaya para masabihan ng aking nararamdaman.

Takda na rin sa akin na may nagmamahal sa akin. Masarap kasama ang mga kaibigan at kung sakaling atakihin tayo ng Tsina, at nasa kalagitnaan ako ng Metro Manila, alam ko na ang una kong pupuntahan ay aking pamilya. Pero sa mga oras na ito, gusto ko nalang muna lumisan sa kanila at makalimot; hayaan muna ako makatulog ng mahimbing at hindi maistorbo. Hindi ako magpapaalam sa kanila dahil alam kong babalik pa ako.

Katulad sa pagsakay namin sa dyip kanina kung saan lahat ng aking mga barkada at patuloy sa pagtatawanan at pagkukwentuhan, wala silang kaide-ideya na habang ako ay nasa gitna, walang kibo at pagod, gusto kong sumigaw ng “para” at sabihin sa kanila na hindi ako dapat naririto. Gusto kong bumaba sa sinasakyan at tumakbo sa kawalan—sa kanya—kung saan ko naiwan ang aking pusong nawasak sa pagmamahal.

O ‘di naman kaya katulad sa mga nagbabasa ng sanaysay na ‘to, akala nila okey pa ang lahat, ngunit wala silang kaide-ideya na ang nagsulat nito ay pagod na at malapit nang

111114