Asa

040915

Nakahihiya.  ‘Di ko napansin na may mali sa balarila ko. Minsan iniisip ko kung na sa tamang daan ba ‘ko. Pinagpipilitan ko lang nanaman ba ng sariliko sa isang bagay na hindi naman para sa akin o sadyang kailangan ko lang munamagtiyaga pasamantala hanggang matuto sa wakas? Matagal ko na ‘tong tanong sa aking sarili. Ang sabi nga ng guro ko sa Lit2 ay, “Writer’s are born, not made.” Kung ganoon nga, siguro nga pinagpipilitan ko lang ang sarili ko. O ‘di kaya inakala kong may kakayahanan akong magsulat at hanggang ngayon ay ‘di pa rin masyadong natatauhan. Paano kaya kung ‘di pala para sa akin ang pagsusulat? Paano kaya kung sa 4 na taon na ito, ang kakayahanan ko sa pagsusulat ay kasinungalingan.

Nakalulungkot. Kung hindi ito ang para sa akin, edi ano? Sino ako? Ano ang galing ko na puwede kong ipagmalaki? Aaminin ko, may mga pagkakataon talaga na naiinggit ako sa mga kaibigan kong mahusay magsulat, mapa-wikang Filipino man o Ingles. Wala akong ganoong kakayahanan. Siguro ang mayroon ako ay ang mayamang ideya na pangnobela, ngunit hanggang doon na lamang siguro ako. ‘Di ko kaya ibahagi ang ideyang ito sa iba. Pakiramdam ko ay may mali sa pagkakagawa sa aking utak pagdating sa pagkuwento at pagsulat ng bagay-bagay. Pakiramdam ko ay pipi ako.

Nakadudurog ng puso. Minahal ko ang pagsusulat. Pangarap ko ang makapagsulat ng mga nobela para sa daigdig. Ngunit siguro ang tanong ngayon para sa akin ay may mararating pa ba ang pagmamahal at pangarap na ito? Umaasa nanaman ba ako sa 1 bagay na kahit kailan ay ‘di ko makakamit?

Patawad.